Kwentuhang Bayan ni Davidson G. Oliveros



Pag-iibigang Walang Hanggan

            Walong araw. Sa loob ng walong araw, nakaranas ako ng mga bagay na hindi ko pa naranasan. Sa loob ng walong araw na iyon, nabigyan ako ng isang pambihirang pagkakataon na mamalas ang yaman sa kultura, sining, at kasaysayan ng probinsiya ng Romblon. Ngayong taon kasi, hinirang ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang Romblon bilang Heritage Province of 2012. At bilang isang Romblomanon, ipinagmamalaki ko ang aking probinsiya.

I. Unang Pagtatagpo


            April 26 noong tumulak ako papuntang Romblon. Kasama ko sina Sir Eric, Sir Bely, Ate Loida, at Rizel. Ika-lima ng hapon nang umalis ang barko papuntang Romblon, Romblon. Noon na lang ulit ako nakasakay ng barko makalipas ang 17 taon. Napakahabang panahon kaya sinulit ko ang bawat oras. Hindi ako nakatulog. Ganun din ang aking mga kasama. Marahil ay dahil sa pagkasabik sa mga nag-aantay na pakikipagsapalaran sa amin sa Romblon. Nagpalipas kami ng oras sa pamamagitan ng kwentuhan, tawanan, palitan ng opinyon, at pagbabahagi ng mga pilosopiya ang prinsipyo sa buhay na repleksyon ng aming sining at sarili. Mga bandang ika-anim ng gabi, umakyat ako sa deck. Dala-dala ko ang aking iPod at umupo. Nanahimik, nangiti. Dahil sa wakas, mapapakinggan ko na ang ilan sa mga kanta mula sa Titanic habang nasa barko ako na naglalayag sa dagat. Ang sarap sa pakiramdam gawin yun lalo pa na nakita kong unti-unting lumulubog ang araw. Umakyat sina Rizel at Sir Bely. Nagkwentuhan kami, nag-asaran. At bumaba mga bandang alas siyete para kumain ng hapunan. Pagkatapos ng hapunan, umidlip kami sandali. Hindi talaga ako makatulog kahit pa payapa ang dagat. Umakyat ulit ako. Ang dilim ng paligid. Tanging iilang ilaw lang ang makikita sa mga kalapit isla. Hindi ko alam kung nasaang bahagi na kami ng dagat ng Pilipinas. Pero alam ko, unti-unti na akong umiibig.

            Nagpalipas lang ako ng oras sa itaas ng barko. Tapos nandoon din pala sa di kalayuan si Sir Eric. Nagkwentuhan kami - mula sa mga mabababaw na bagay hanggang sa mga seryosong bagay. Pero nag-enjoy ako. Madami akong natutunan mula sa kanya. Pababa na din dapat kami ni Sir Eric kasi nag-uumpisa nang umambon. Sakto naman na papaakyat sina Sir Bely at Rizel kaya sumama naman ako sa kanila. Unti-unti nang lumalamig ang hangin at lumalakas na ang alon. Pero ayos lang. Para sa akin, kapayapaan pa din ang nararamdaman ko. Pag-ibig pa din ang nag-uumapaw sa akin. Matapos ang ilang oras, nagpasya na din kaming bumaba at umidlip hanggang sa marating namin ang aming destinasyon.

            Alas dos ng madaling araw kami dumaong sa Port of Romblon. Buhat-buhat ang aming mga dalahin, dumeretso na kami sa aming hotel na ilang hakbang lang ang layo mula sa pier. Nag-ayos lang kami ng gamit, kumain ng almusal, at itinuloy ang aming panaginip. Para sa akin, nag-uumpisa pa lang ang paglalayag ko sa panaginip na iyon.

 

II. Bahaginan ng Sarili

 

            Mga bandang ika-sampu ng umaga, tumulak na kami papuntang kapitolyo ng Romblon. Nakipag-usap kami sa ilang kinatawanan ng Office of the Governor para ayusin ang takbo ng mga aktibidad mula May 1 hanggang May 2. Naging maayos ang pag-uusap. Nakilala ko ang magiging mga kaibigan namin sa Romblon. Yun na pala ang umpisa ng mga masasayang araw at gabi ko sa probinsiya. Pagkatapos ng meeting, bumalik kami sa hotel para kumain ng tanghalian tapos ay tumulak ulit para sa Cultural Mapping Workshop ni Sir Eric. Sabi ko sa sarili ko, panigurado na napakarami kong matututunan sa araw na iton. Hindi nga ako nagkamali.

            Sa Cultural Mapping Workshop, tinuruan ni Sir Eric ang mga mappers kung paano mag-document ng mga tangible and intangible heritage ng isang lugar. Sa kaso nila, ng Romblon. Masaya ang mga mappers kasi bawat minuto, may bago silang natututunan. Aktibo silang nakikibahagi sa talakayan. Makikita mo sa kanila yung saya sa tuwing meron silang nalalamang bago. Pagkakataon din iyon para sa kanila upang ipakilala ang Romblon sa Pilipinas at sa mundo. Binigyan din sila ni Sir Eric ng mga assignment at exercises na malugod nilang tinanggap at ginawa.

            Natapos ang session nila sa araw na iyon. Tumulak ulit ang grupo namin sa hotel. Naghapunan kami at ang ilan sa amin ay nagpahinga na. Si Sir Bely, Rizel, at ako ay inimbitahan ni Sir Polit na pumunta sa kanyang rest house sa Pogayan. Kaya naman dali-dali kaming pumunta doon. Pagbungad pa lang ng lugar sa amin, hindi maipaliwanag na saya na ang naramdaman namin. Talagang nakakamangha ang langit na puno ng bituin, ang buwan na anong ganda, at ang dagat na anong payapa. Hindi namin pinalagpas ang pagkakataon na maglakad sa dalampasigan. Gamit ang aming mga flashlights, namangha kami sa kung gaano kayaman ang dagat ng Romblon. Kahit saan kami mapadpad ay puno ng mga yamang-dagat na hindi ipinagdadamot ang kanilang mga sarili sa amin. Para sa isang taga-Maynila, kakaiba iyong mga nakita namin. Nakakaantig ng puso. Natulog ako na may ngiti sa aking mga labi at saya sa aking puso. Ito na yata yung pag-ibig na hinahanap ko.

            Kinabukasan, April 28, ipinagpatuloy ni Sir Eric ang workshop niya sa mga mappers. Gaya ng dati, aktibong nakibahagi ang mga ito sa talakayan. Habang nagpapatuloy ang talakayan, tinawag ako ni Sir Polit para ipakilala ako sa isa kong kamag-anak doon sa Romblon. Sabi ng mama at mga aunty ko, may ilang kamag-anak daw kami sa Romblon, Romblon pero hindi pa nila nakikita. Kaya naman, iyon na ang pinakatamang pagkakataon para sa akin para makita sila. Una kong nakilala si Ate Gina. Second cousin ko siya. Masaya akong nakipagkamustahan sa kanya. Magiliw din niya akong tinanggap. Sabi niya ipapakilala daw niya ako sa kapatid niya, si Kuya Jojo. Siyempre, mas lalo akong nanabik. Paniguradong matutuwa ang nanay at mga tiyahin ko na nakita ko ang ilan sa mga kamag-anak namin. Tapos, pinuntahan namin ni Sir Polit ang ancestral house ng mga Marquez. Nagulat na lang ako nung malaman ko na may koneksyon din pala ang pamilya namin sa kanila. Hindi ko maitago ang pagkamangha ko. Unti-unti, nalalaman ko ang pinanggalingan namin. Tumuloy kami ni Sir Polit sa isang pagawaan ng marmol sakay ng kanyang motor. Habang nakaangkas, pinagmamasdan ko ang paligid. Simple lang ang pamumuhay ng mga tao. Tahimik silang humaharap sa mga hamon sa buhay. At nakakayanan nila ang mga iyon. Sa pag-iisip, hindi ko namalayan na nandoon na pala kami sa isang pagawaan ng marmol. Nakilala ko ang may-ari. Nakinig sa kwento kung paano niya naabot ang tagumpay, at nagkaroon ng bagong inspirasyon sa buhay. Pagkatapos doon ay nagtungo na kaming muli sa kapitolyo para sa pagtatapos ng workshop. Bumalik na ng Maynila si Sir Eric. Nagpaalam kami sa kanya. Magkikita-kita ulit si Sir Eric at ang mga mappers sa June 2. Alam kong pinakaaabangan nila ang araw na iyon.

            Nagtanghalian kami sa Punta Corazon Resort. Mula sa pantalan ng Romblon, sumakay kami ng pumpboat. Inabot kami ng mga sampung minuto bago makarating sa resort. Pero wala na kaming pakiaalam sa oras. Kasi kinuha na naman ng dagat at ng napakagandang mga tanawin ang aming atensyon. Pinabilib na naman kami ng kalikasan ng Romblon. Maya-maya andoon na kami sa resort. Grabe. Ang ganda. Ang pino ng buhangin. Ang linaw ng tubig. Hindi na ako makapag-antay tumalon at lumangoy. Gusto kong magpakalunod sa ganda ng paligid.

            Kinaumagahan, Linggo, in-update lang namin ang isa’t isa sa mga aspeto ng mga mga aktibidad. Nakita ko kung gaano kalaki ang suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon sa National Heritage Month. Natuwa ako kasi unti-unti nang nagkakaroon ng porma an gaming programa. Mula sa mga pinakamaliliit na detalye papalaki. Mukhang maayos na tatakbo ang lahat. Noong kinagabihan, pumunta kami sa isang restaurant-bar nina Sir Bely, Rizel, Sir Gibs, Ms. Ivonn, at Ate Loida. Doon, kumain kami, kumanta, nagkwentuhan. Doon, nagsaya kami. Sa pananaw ko, mas nakikilala ko ang aking mga nakakasama. Nagiging “buo” unti-unti ang pagkakilala ko sa kanila. Tinapos naming ang gabi nang masaya. Umasa ako sa mga sandaling iyon na magiging maganda bukas, lalo pa at papalapit na ang grand launching.

 

            Doon ako nagkamali. Nagkaroon ng ilang problemang teknikal at organisasyunal. May ilang hindi pagkakaintindihan na nangyari sa panig naming at ng mga taga-Romblon. Ang parehong panig, walang ginusto kundi ang mapaganda ang palabas. Sa paraan ng pagkagusto naming iyon nagkaiba, nagkalayo. Hindi ko na nakita pa kung paano natapos ang gabi sa kapitolyo dahil umalis kami. Umalis kami doon nang may dignidad at paninindigan – si Sir Bely, Rizel, at ako. Dinamayan namin ni Rizel si Sir Bely. Ipinabatid namin sa kanya na nandoon kami para sa kanya. Maya-maya pa, dumating sina Sir Gibs at Ms. Ivonn para kamustahin kami. At ang malungkot naming kalagayan ay napalitan ng kasiyahan. Natulog kami sa nung gabing iyon nang hindi alam kung ano ang naghihintay sa amin bukas. O kung may naghihintay pa ba sa amin.

 

            Maagang gumising si Sir Bely. Mga bandang alas-singko. Ang aga niyang naghanda. Sa loob-loob ko, mukhang may mangyayari ah. Hindi nga ako nagkamali. Ipinatawag kami sa kapitolyo para ayusin ang palabas. Hindi ko maipaliwanag ang sayang naramdaman ko. Na sa wakas ay magagawa na namin ang dahilan kung bakit kami pumunta ng Romblon. Magiliw kaming bumalik, at isinantabi ang mga hindi pagkakaunawaan para sa iisang layunin: ang maipakita sa Pilipinas ang yaman ng kasaysayan, sining, at kultura ng Romblon. Nakiisa din sa amin ang mga Romblomanons. Nakita ko sa kanila kung gaano nila gustong ipamalas ang galing nila. Ipinaramdam namin sa kanila na mangyayari yun, sapagkat kami mismo ay sumusuporta sa Romblon.

 

Sa hotel na kami nagtanghalian. Mabilisan lang para makapagpahinga nang kaunti. Hindi rin kami nakapagpahinga dahil kinailangan na kami sa kapitolyo para sa pagbubukas ng exhibit. Dali-dali kaming naglinis, inihanda ang aming mga gamit, at tumungo sa kapitolyo. Ito na iyon. Nararamdaman ko na. Pagdating namin sa kapitolyo, mag-uumpisa na ang pagbubukas ng exhibit. Ang daming taong dumalo. Ang mga mamamayan ay nandoon din. Sabik na sabik din silang makita ang kasaysayan ng kanilang lahi. Sa kabuuan, matagumpay ang naging pagbubukas ng exhibit. Ang susunod naman ay ang press conference. Inihanda namin ang isang silid para sa press conference. Siniguro naming ang lahat ay nasa ayos mula sa kaliit-liitang detalye hanggang sa pinakamalaki. Isa-isa, nagdatingan na ang mga pinuno at empleyado ng NCCA, mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon, at iba pang mga personalidad na may kinalaman sa National Heritage Month Celebration. Si Sir Bely, ang Project Manager ng selebrasyon, ang siyang tumayong host ng press conference. Habang nakikita ko siyang nagsasalita, mas lalo pa akong bumilib sa kanya. Ibang klase. Natutuwa ako para sa guro, tatay, at kaibigan ko.

 

            Ilang sandali pa, tumakbo na ako sa labas ng kapitolyo para naman ihanda ang Grand Launching ng National Heritage Month Celebration. Pagbaba ko pa lang, kitang-kita ko na ang dami ng tao na dumalo. Lahat ay interesado sa palabas na makikita nila. Sabi nga ng isa kong nakausap, bihira daw mapuno ang labas ng kapitolyo. Bihira lang daw. Inatasan akong maging Stage Manager ng nasabing programa, at si Rizel naman ang Production Assistant. Dahil sa kakulangan ng kagamitang pangteknikal, kinailangang tumakbo-takbo para lang maiparating ang mensahe sa crew na nakapwesto sa paligid ng kapitolyo. Mukhang mahirap. Pero kayang-kaya.

 

            Mag-aalas-sais na rin ng gani nang magbabaan ang mga personalidad na dumalo sa press conference. Inihatid sila ng mga ushers sa kani-kanilang mga upuan. Ang mga performers naman, nakapwesto na sa backstage at paniguradong may nararamdamang kaba kahit paano. Nakabihis sila nang maganda. Nakamake-up. Talaga nga namang pinaghandaan nila ang gabing iyon kahit pa sabihing ilang minuto lang naman ang pagtatanghal nila. Kahit hindi nila sabihin, naririnig ko ang kanilang mga puso na inaangkin ang entabladong iyon, ang gabing iyon. Nang matipon na silang lahat, nagbigay lang ako ng ilang bilin sa kanila at sinabihan sila ng ilang magigiliw na mga salita. Pagkatapos noon, pumwesyo na kami ni Rizel sa magkabilang panig ng entablado. Sa senyas ni Sir Bely, nag-umpisa na ang palabas.

 

            Ang nakita naming pinakaproblema ay ang kakulangan ng aming technical equipment supplier ng mga maayos na mga kagamitang kailangan para sa isang maayos na pagtatanghal. Gustuhin man naming magalit, wala rin namang maitutulong iyon. Kung ano ang mayroon, gamitin. Kung may kakulangan, punuan. At saka, natabunan ng mga pagtatanghal ang mga kakulangang iyon. Mas nangibabaw pa din ang talento ng mga Romblomanons na kumanta, sumayaw, at umarte ng kanilang sining at kultura. Sa aking paningin, naging matagumpay ang palabas. Nasiyahan din ang mga performers. Umuwi nang masaya ang mga nanood. Tama na iyon para sabihing matagumpay ang palabas.

 

            Pagkatapos ng Grand Launching sa kapitolyo, tumulak ang lahat papunta sa Cathedral of San Jose para sa hapunan. Habang kumakain, may mga tumutugtog ng gitara at biyulin. Mayroon ding tumula at umawit. Nakadagdag sa gana ng mga nandoon ang ganda ng simbahan at ang ganda ng langit. Natapos na ang hapunan mga bandang alas-diyes. Pero para sa amin ni Sir Bely, hindi pa doon nagtatapos ang gabi. Inimbitahan kami ng aming mga kaibigan na magsaya nang kaunti. Tinapos namin ni Sir ang gabi sa paraang gusto namin: ang maglakad sa dalampasigan. Manghang-mangha ako sa kagandahan ng langit noong mga oras na iyon. Hindo mabilang ang mga bituin sa dami nila. Ang buwan naman ay unti-unting nagtatago sa mga ulap pero iniilawan pa din niya ang kalangitan. Makapanindig-balahibo ang tagpong iyon. Sabi ko kay Ms. Ivonn, isa sa mga nagpapamahal sa isang lugar sa akin ay ang kanyang kalangitan. Kapag maganda ang kalangitan, asahan mong mahal ko na ang lugar na iyon. Mahal ko ang Romblon. Mas lalo ko pa siyang minahal.

 

            Gumising ulit kami ng alas-singko para maghanda naman sa Cultural Walk sa mga heritage sites ng Romblon. Maagang napuno ng mga panauhin ang harap ng simbahan. Sabik ang mga tao na makapag-ikut-ikot, matuto, at makakuha ng litrato. Hindi sila nabigo sa mga bagay na iyon. Bawat lugar na puntahan namin, bagong alaala ang dala-dala namin. Kung naging bagay lang ang mga alaalang iyon, siguro ay hindi na kami nakapaglakad sa sobrang bigat ng aming mga dalahin. Masaya ang lahat, kahit pa tirik na tirik ang haring araw. Hindi alintana ng bawat isa ang pagod matuto lamang. Ang bawat hakbang ay panibagong kaalaman para sa bawat isa.

 

            Una naming minalas ang ganda ng Cathedral of San Jose. Isa ito sa mga heritage churches sa Pilipinas. Ang pader ng simbahan ay gawa sa bato at corals. Ang retablo o ang altar ng simbahan ay buong-buo pa. Mabubuuo sa isip mo kung ano ang itsura nito noong panahon ng mga Kastila. Pagkatapos ay binisita din namin ang kampanaryo ng simbahan. Pwedeng akyatin ito hanggang sa tuktok. Siyempre, hindi na namin pinalampas ni Sir Bely ang pagkakataon at nauna na kaming umakyat dito. Ang mga kampana ay hindi napalitan. Sila pa rin ang nakalagay doon. Sila na saksi sa kasaysayan ng simbahan at ng Romblon.

 

            Sa hindi kalayuan ay ang lumang munisipyo ng Romblon. Makikita sa arkitektura nito ang arkitektura noong panahon ng mga Kastila. Ngayon, nagsisilbing opisina ng mayor ng Romblon ang gusali. Sa tapat naman nito ay ang Fuente de Belen. Noong nandoon pa ang mga Kastila, nagsilbing inuman ng mga kabayo at sundalo ang Fuente de Belen. Ngayon, wala ng tubig dito. Isa na itong rotonda. Gayun pa man, nandoon pa din ang ganda ng rebulto ng Mahal na Birhen na nakapuwesto sa Fuente de Belen. Sunod naman naming pinuntahan ang mga lumang tulay sa Romblon. Gawa din ito sa corals at bato. Hanggang ngayon, matibay pa din ang mga tulay. Ininda nila ang init, ang ulan, ang lamig. Nagsisilbi silang mga simbulo ng katatagan ng mga Romblomanons sa paglipas ng panahon.

 

            Isa sa mga pisikal na katangian ng Romblon ay ang marami nitong mga ancestral houses. Itinayo ang mga ito noong panahon ng mga Kastila. Halos sunod-sunod silang nakalihera sa daan. Ang iba ay nakatayo pa at napangalagaan. Ang iba naman ay nakatayo pa rin ngunit napabayaan. Ang masaklap, may iba na natupok ng apoy o di kaya naman ay giniba na. Anu’t ano pa man, napakayaman ng mga bahay na ito sa kasaysayan. Kitang-kita sa arkitektura ang antas sa lipunan ng may-ari. Ang mga gamit ay gawa sa narra. May ilang larawan din ng mga unang may-ari nito. Pati ang mga aparador, kama, upuan, lamesa, pinto, at bintana ay sumasalamin sa arkitektura ng panahong iyon. Hindi pinagdamot ng mga ancestral houses na ito ang yaman nila sa amin at sa bansa.

 

            Matapos ang almusal sa plaza ng Romblon, hinatid kami ng mga sasakyan sa isang planta ng marmol. Mula sa naglalakihang bulto ng marmol, nakita namin kung papaano iprinoproseso ito. Pagkatapos ay pumunta naman kami sa isang tindahan na naglililok ng marmol. Mabusisi ang proseso ng paglililok. May ibang manggagawa na gumagamit ng mga tradisyunal na gamit. Ang iba naman, mga makabagong gamit na ang ipinanglililok. Alin man sa dalawa, maganda pa din ang mga produkto. Pinakyaw ng mga panauhin ang mga marmol na mga pigurin sa sobrang ganda ng mga ito. Talaga nga namang ang marmol ng Romblon ay mas maganda pa sa marmol ng Italya.

 

            Ang huli naming pinuntahan ay ang Fort San Andres. Dalawa ang forts ng Romblon. Sa kabilang bundok ay ang Fort Santiago. Sa kasamaang-palad, kinain na ng mga puno at Fort Santiago kaya hindi na ito tanaw. Nasa magkabilang bundok ang Forts Santiago at San Andres. Mula sa itaas, kitang-kita ang dagat at ang buong Romblon. Noon, kapag may dumarating na mga kalaban, nagbibigay ng babala sa mga mamamayan mula sa itaas ng mga forts na ito. Ngayon, ang Fort San Andres na lang ang matayog na nakatayo. Makapigil-hininga ang tanawin mula sa itaas. Kapag nandoon ka, mas pipiliin mong huwag na lang magsalita, bagkus ay namnamin ang sariwang hangin, ang tamang init ng araw, at ang pag-ibig na nag-uumapaw.

 

            Pagsapit ng tanghali, sumakay kami sa mga pumpboats na naghatid sa amin sa Punta Corazon Resort. Doon kami mananaghalian. Manghang-mangha ang lahat sa linaw ng dagat at sa yaman nito. Nag-uumapaw din ang mga hinain sa aming pagkain. Busog. Yun lang. Busog. At siyempre, nag-kayak na naman kami nina Sir Bely at Rizel. Ngayon, hindi na kami natakot. Matapang na kaming lumayo at tumigil sa malawak na dagat. Nagkwentuhan kami, nagtawanan. Inalala namin ang lahat ng nangyari, ang mga aral na natutunan. Hindi na kami takot. Sinulit na namin ang natitirang oras na mayroon kami. Dahil alam namin na malapit na kaming makipaghiwalay sa aming iniibig.

 

III. Pamamaalam, Pasasalalamat, at Pangako

 

            Dumating na ang araw na ayaw kong dumating: ang aming paglisan. Wala kaming sinayang na sandali. Alas-singko pa lamang, gising na kaming tatlo. Bumili kami ng tinapay at inakyat sa pangatlong pagkakataon ang Fort San Andres. Doon kami nag-almusal. Naabutan din namin ang pagsikat ng araw na unti-unting nagbibigay liwanag sa Romblon. Hindi ko man pilitin, mas lalo pa akong mapapamahal sa Romblon. Kahit alam kong magkakahiwalay na kami, nasa kanya pa din ang puso ko. Mula sa itaas, bumuo kaming tatlo ng mga plano para sa aming mga sarili at kung papaano maipaparating sa lahat ang kahalagahan ng kinatatayuan namin sa kasaysayan ng probinsiya. Nang may magkahalong saya at lungkot sa aming mga puso, binagtas na namin ang hagdan pababa. Bawat hakbang ay bumibigat na wari bagang pinipigilan kami ng mga bato at lupa na umalis. Mahirap, pero dapat kayanin.

 

            Kumain ulit kami ng almusal. Habang inaantay ang aming mga order, namili kami ni Rizel ng mga pasalubong. Binalikan namin si Sir para kumain. Sakto at dumaan ang pinsan kong si Ate Gina. Ipinakilala ko sina Sir Bely at Rizel sa kanya. Nagpasalamat ako kay Ate Gina sa pagiging mabait niya sa akin. Nakwento ko din sa kanya na noong gabi, nakita ko naman ang kapatid niya at pinabaunan pa ako ng isang dragong gawa sa marmol. Sabi ko sa pinsan ko, magkikita ulit kami. Pangako ko yun, at tutuparin ko.

 

            Bumalik kami sa hotel para mag-empake. Ang hirap ding ayusin ng aming mga gamit. Nandoon yung takot na baka meron kaming makalimutan. Ang dami din naming mga dalahin. Nagmadali kami dahil marami pa kaming dapat pasalamatan. Kaya ganun dahil maraming mga taong napamahal na sa amin at itinuring na naming kapamilya namin.

 

            Una kaming nagpunta kay Sir Polit. Pinatuloy niya kami sa kanyang opisina. Pinabaunan din niya kami ng marmol na mga pigurin. Nararamdaman ko na yung luha na namumuo sa mata ko. Naging mabilis ang lahat. Kulang na kulang ang panahon para kami ay makapagpasalamat. Pero nangako kaming magkikita-kita ulit kami. Nangako kami sa isa’t isa.

 

            Sunod naman naming tinungo sina Sir Gibs at Ms. Ivonn sa kapitolyo. Tinatago na lang ng aking mga ngiti ang lungkot na nararamdaman ko. Kasi alam kong matatagalan bago ko sila ulit makita. Hindi ko alam kung papaano makakapagpasalamat sa kanila. Nag-uumapaw ang pagkakaibigan namin. Halos araw-araw ay kami-kami ang magkakasama. Kaya mahirap magpaalam. Pero dapat magpaalam.

 

            Huli naming pinuntahan sina Ms. Maggie at Sir Elan. Bilib kami sa mag-asawang ito sa adbokasiya nila para sa Romblon. IIlan lang sila, kaya maswerte kami. Wala si Sir Elan sa bahay nila sa malapit sa kapitolyo. Andoon daw siya sa bahay nila sa may burol. Sumakay agad kami ng tricycle at umakyat sa burol. Bumungad sa amin ang napakagandang baybayin ng Romblon. Kitang-kita mula sa bintana ng kanilang bahay ang mga kalapi-isla ng Romblon. Mismong ang bahay ng mag-asawa ay hindi rin matatawaran ang ganda. Pero mas hindi matatawaran ang pagmamahal nila. Hindi lang sa isa’t isa, kundi para na rin sa Romblon. Mahirap para sa amin ang magpaalam sa kanila. Pero muli, kailangan.

 

            Bumalik na kami sa hotel. Kinuha namin ang aming mga gamit at sumakay na ng barko papuntang San Agustin, Romblon. Mula doon, nagtungo kami ng Odiongan, Romblon kung nasaan ang pantalan. Sumakay na kami muli ng barko. Malungkot, pero punung-puno ng masasayang alaala.

 

            Bago lumubog ang araw, umakyat ulit ako sa itaas ng barko. Dala kong muli ang aking iPod. Naupo. Nakinig ng Titanic. Nanahimik. Nag-isip. Sinariwa ko ang lahat ng nangyari sa walong araw naming nilagi sa Romblon. Ang dami kong baong mga kaalaman, karanasan, alaala, at mga pangako. Sobra akong napamahal sa kanya kaya mas naging mahirap ang pamamaalam. Hindi ko na ulit siya makikita. Ang kanyang ganda, ang kanyang yaman. Mabubuhay na lang siya sa aking alaala. Mga dagat at bundok ang pagitan namin. Ngunit kinokonekta kami ng mga alaala, kasaysayan, sining, at kultura. Pinagbubuklod din kami ng mga pangako. Mga pangakong nakaukit sa aming mga puso. Na kahit kailan ay maari naming balikan at sariwain. Mga pangakong dapat tuparin dahil gusto naming tuparin. Sa kabuuan, hindi matatawaran ang walong araw na iyon. Sa lahat ng mga probinsyang napuntahan ko sa Pilipinas, tanging sa Romblon lang ako napamahal nang ganito.

 

Babalik ako, pangako. Babalik ako…







Titanic

     Noong nabalitaan ko na ipapalabas muli ang Titanic at gagawing 3D, hindi na ako nagdalawang-isip kung papanoorin ko ba ito o hindi. Inabangan ko siya. Ang bawat araw na lumipas ay parang bawat araw na inantay ng mga pasahero ng Titanic bago ang paglalayag nito. Kakaiba ang pakiramdam. Na kahit alam ko na ang mangyayari ay nandun pa rin ang pagnanais ko na makibahagi sa paglalayag nito.

     Naalala ko dati, labing-limang taon na ang nakararaan nang una itong ipinalabas, nagtatakip pa ako ng mata sa ilang mapangahas na eksena nina Jack at Rose. Inaantay ko dati na matapos na ang mga eksenang iyon para maipagpatuloy ko na ang panonood ko. Dati, nagdaan lang ang pelikula sa akin. Nag-umpisa at natapos nang hindi ko masyadong naiintindihan. Basta ang alam ko, may dalawang nagmamahalan sa isang barkong paglubog ang katapusan.

     Nagdaan ang mga taon. May ilang beses na napanood ko ang Titanic sa telebisyon. May ilan, sa bus habang binabagtas ang matrapik na daan. Sinulit ko ang mga pagkakataong iyon. Unti-unti, inaalis ko na ang takip sa mata ko kapag pinapakita na ang katawan ni Rose o ang paglalapat ng mga labi nila ni Jack. Unti-unti, hindi na lang isang barkong lumubog ang pagkakaintindi ko sa Titanic. Unti-unti, lumalim ang pag-unawa ko dito. 

     Kanina, napanood kong muli ang Titanic. Siyang-siya pa din labing-limang taon na ang nakakaraan. Nandun pa din ang pagkasabik ko na masisid ko ang mga misteryo niya, na masisid ang kwento ng mga tao sa bahagi ng kasaysayan ng barkong ito. Punung-puno ng pagmamahal ang barko, ang pelikula. Kanina, muli kong minahal ang ideya ng pagmamahal. 

     Kinurot ang damdamin ko, hindi lang sa paglubog ng barko, kundi lalo na sa pag-iibigan nina Jack at Rose. Dalawang pusong galing sa magkaibang mundo. Dalawang pusong naghahanap ng kalayaan, ng tunay na kaligayahan. Mga bagay na nakita at naramdaman nila sa isat-isa. Mga bagay na hindi nila ipinagkait sa isat-isa. Siguro’y pinagtagpo sila ng tadhana upang mangyari sa kanila ang mga iyon, at sapitin ang isang masakit na pamamaalam.

     Sa paglubog ng tunay na barkong Titanic, inahon ng pelikula ang mga alaala nito. At sa muli nitong pagpapalabas, hinayaan tayo nitong muling saksihan ang pinakamalagim na trahedya sa karagatan. Hinayaan tayo nitong muling masaktan, umiyak, lumuha, ngumiti, umibig - maging isang “buong tao.”

     Isang daang taon mula nang maglayag ang Titanic, masaya ako na naging parte ako ng muling paglalayag nito.

10:51 am, by dvdoliveros
permalink
tagged: titanic, titanic3d,






Sabi ng Kaibigan Ko na Nagtitinda ng Magnum Ice Cream

     Pinakagustong makinig ng mga tao ng mga love songs kapag gabi. Yung tipong malamig, madilim, at nag-iisa lang sila sa kwarto habang nasisinagan ng liwanag ng buwan at poste ng ilaw sa labas. Gaya nila, ako din, gusto kong makinig ng mga awitin kapag gabi. Iba kasi yung pakiramdam. Halo-halo kasi yung pakiramdam. 

     Bawat awiting pinapakinggan ko, may alaalang dala sa akin. May mga pagkakataon na kapag tumugtog na ang isang kanta, malulungkot na lang ako at manghihinayang. Posible din na may maalala akong tao, mga tao, o mga pangyayari. Minsan pa, hindi ko na lang namamalayan na may luha na palang namumuo sa aking mga mata. 

     At syempre, hindi naman puro lungkot ang dala ng mga kanta. Pinakapaborito ko yung saya na dala nila. Na sa bawat nota, sa bawat salita, eh palihim akong ngingiti at babalikan ang mga masasayang alaala kasama ang isang partikular na tao o mga tao. Isama mo na din diyan ang mga nakakakilig na sandaling naranasan ko.

     Sabi ng kaibigan kong nagtitinda ng Magnum Ice Cream, imortal daw ang mga kanta. Na hindi daw sila naluluma ng panahon. Marahil ay totoo nga. Kasi kahit wala na tayo dito, nandito pa din ang mga kanta, ang mga alaala, ang mga luha, ngiti, panghihinayang, at pag-asa.

     Gaya ng mga kanta, mananatili at mabubuhay ang iyong mga alaala…







Tatlong bagay kung paano nagiging trending ang isang topic sa Twitter?

1. Kapag maraming users ang nag-uusap tungkol sa isang topic.

2. Kapag ang isang user ay nagti-tweet nang maraming beses tungkol sa isang topic gamit ang isang hashtag.

3. Kapag pinag-uusapan lang ng ibang mga users na trending ang isang topic.

8:41 am, by dvdoliveros
permalink
tagged: twitter, trending,






kwento ng kaibigan kong sundalo…

 

     Kahit pa sobra kang mag-alala kapag may sakit siya, ngingiti lang siya. Pero kapag yung iba ang gumawa sa kanya niyan, baka bigla siyang gumaling. Kahit pa gaano mo siya kamustahin bawat araw, wala yun para sa kanya. Pero yung kapag iba, kahit isang text lang, baka nagtata-talon na yun sa saya.

     Kahit pa antayin mo ang 12:01 AM para una kang makabati sa kanya sa birthday niya, magiging ordinaryong text lang yun para sa kanya. Pero kapag yung iba, kahit batiin siya kinabukasan, ise-save niya yung text message na yun. Kahit pa ibigay mo pa sa kanya ang pinakamagandang advice na kailangan niya, balewala lang sa kanya yun. Pero kapag yung iba ang gumawa nun, papakinggan niya agad, at magpapasalamat.

     At kahit pa lagi kang nandiyan sa tabi niya kapag may problema siya, hindi pa din niya mararamdaman kung gaano siya kaimportante sayo. Pero kapag yung iba, kahit bihira lang na nasa tabi niya, tatanawin niyang niyang isang napakalaking utang na loob ang pagiging nandyan niya.

     Kahit gaano mo pa ibigay ang buhay mo sa kanya, ni kailanman, di niya mararamdaman yun. Hindi kasi ikaw ang inaantay niyang gagawa nun para sa kanya. Hindi masamang sumuko sa laban, lalo na sa pag-ibig. Hindi kaduwagan ang pagtataas ng puting bandera. Minsan kasi, may mga laban na sa umpisa pa lang ay talo ka na talaga.

3:09 pm, by dvdoliveros
permalink
tagged: love, sunday, emo, war,






ibang klaseng saya… :)

ibang iba talaga. 

grabe, ngayon ko lang yata nakita na ganun siya. 

at sa tansiya ko, yun na yung pinakamasayang siya. 

sana magtuloy tuloy… 

kasi sobrang ganda… 

niya… 


at ng bagong “SIYA” 


:)

7:22 pm, by dvdoliveros
permalink
tagged: sayang:(, 1yr, :(,






Sa Unang Pagkakataon sa Loob ng Siyam na Taon… :)

     Mula sa pagbaba ko ng bus, kakaibang saya na ang nararamdaman ko. Hindi ko inalintana ang masama kong pakiramdam.

     Sa may Loyola sa Guadalupe Viejo, andun ang sakayan ng jeep. Kaso ang tagal bago mapuno ng jeep. Kaya naglakad na lang ako. Sa paglalakad ko, nagmasid-masid ako sa paligid. Sa kaliwa, nakita ko ang mahirap na sitwasyon ng mga taga-squatters’ area. Walang pinagbago. Ganun pa din mula noong bata pa ako. Sa kanan ko naman, nakita ko ang Nuestra Senora de Gracia Parish. Gaya nang dati, napakaganda pa din ng simbahan. Tumingin-tingin ako sa paligid. At meron akong nakitang ikinatuwa ko.

     Naalala ko ang bahay ng adviser ko nung Grade 1. Nadaanan ko at tinignan. Sa gulat ko, andun siya. Nasa gate. Dali-dali akong lumapit sa kanya at kinamusta siya. Binati na din sa kanyang kaarawan. Nagkakwentuhan nang matagal. At sa loob ng compound, andun din ang adviser ko nung Grade 6. Tuwang-tuwa ako na makita sila. Di ko mapaliwanag nararamdaman ko. Para akong anak na ang tagal bago muling nakita ang nanay. Tumagal din ng mga dalawang oras ang kwentuhan naming tatlo.

     Sunod naman akong pumunta sa eskwelahan ko nung elementarya. Kakaiba yung pakiramdam na makita kong muli lahat ng mga nakita ko nung bata pa ako. Yung bahay ng mga kaklase, bilihan ng pagkain, clinic, tindahan, mga pamilyar na mukha ng mga tao, lahat nanumbalik sa alaala ko. At nung nakita ko na ang gate ng school ko dati, ngumiti na ako. Ito na yun. Ang tahanan ko sa loob ng pitong taon.

     Nakakwentuhan ko doon ang mga guro ko dati. Kinamusta ko sila, kinamusta nila ako. Nagtawanan. Nagkapalitan ng mga opinyon tungkol sa buhay. Halos hindi kami maubusan ng napagkwentuhan. At habang pinagmamasdan ko sila, tuwang-tuwa ako sa loob ko. Kasi kaharap ko yung ilan sa mga taong bumuo sa akin. At kahit lumipas na ang ilang taon, hindi pa din sila nagbago. Andun pa din ang dedikasyon nila sa propesyon nila. Kakaibang mga tao. Nakakabilib na mga tao.

     Sa kabuuan, naging makabuluhan ang pagbisita ko sa paaralan ko nung elementarya. Sulit lahat ng sinakripisyo para makasama silang muli. Ang sarap sa pakiramdam na malamang masaya sila sa tagumpay ng mga estudyante nila. Kasi alam nila na sa bawat tagumpay ng mga estudyante nila, kasama sila doon. Na parte sila ng buhay ng estudyante nila. At sa nakita ko sa kanila, napakasaya nila sa pagiging guro. Kung tutuusin nga hindi dapat sila maging ganoon kasaya dahil sa liit ng sweldo at sa konsumisyon ng mga estudyante nila. Minsan pa, hindi matatawaran ng salapi ang buhay na ibinuhos at ibinubuhos nila sa pagtuturo.

     Hindi na propesyon ang pagtuturo para sa kanila. Buhay. Yun na ang buhay nila.







Dahil Bawat Araw ay Araw Ninyo… :)

     Noong nasa elementarya ako, itinuro sa akin ng mga guro ko na ang mundo ay puno ng “rainbow, flowers, at butterflies.” Ang bawat araw noon, masaya. Maagang papasok para makipaglaro sa mga kaklase. Aktibong makikilahok sa mga gawaing-paaralan. At kapag uwian na, maglalaro ulit. Ganun ang naging takbo ng buhay ko sa elementarya. Ang mundo ay walang problema. Hindi ko pa naisip dati na kailangan kong galingan lagi para sa kinabukasan ko. Sinulit ko ang bawat araw. Sinulit ko ang bawat laro. Sinulit ko ang buhay ko noong elementarya. Di ko namalayan na tapos na pala ang kabanata sa buhay kong iyon. At ang “rainbow, flowers, at butterflies” na itinuro nila sa akin, magbabago ng yugto.

     Dumating ang high school. Takot at pangamba agad ang naramdaman ko noon. Panibagong pakikipagsapalaran na naman kasi. Bagong mga mukha, bagong mga kaalaman, bagong mga karanasan. Naging mahirap para sa akin ang yugtong yun. Bunga na din siguro na hindi ko kapiling ang pamilya ko. Pero anu’t-ano pa man, may mga bagong guro na umalalay sa akin. Mga bagong guro na nakatawanan. Mga bagong guro na nakabiruan. Mga bagong guro na nakakwentuhan. Sa apat na taon na iyon, natutunan ko na minsan sa buhay, mawawala ang “rainbow, flowers, at butterflies.”

     At nagkolehiyo ako. Tinahak ang isang kurso na ibang-iba sa iba. Sinunod ko kung ano ang gusto ko. Kung ano ang sa tingin ko ay magtatagumpay ako. At hindi ako nagsisi. Ni kailanman, hindi ako nagsisi. Kakaibang environment ang kolehiyo sa akin. Naisip ko na pagkatapos nito, ako nang mag-isa ay magdidikta sa sarili ko, sa kung saan ako patutungo. Isa sa mga nabahagi sa akin ng mga guro ko sa kolehiyo ay iyong pahalagahan ang karanasan kasi yan ang bubuo ng kung sino at magiging sino ka. At naramdaman ko noon na nanumbalik ang “rainbow, flowers, at butterflies” sa buhay ko.

     Ngayon, nagbalik-tanaw ako sa mga naituro ng mga guro ko sa loob ng labing-apat na taong pag-aaral ko. Yung mga teknikal na mga bagay, yung iba, nakalimutan ko na. Pero sa labing-apat na taong iyon, ito ang mahalaga kong natutunan sa kanila:

Ang mundo ay puno ng “rainbow, flowers, at butterflies.” Yun nga lang, minsan, hindi inaasahan na mawawala ang mga iyon. Pero kung paano mahahanap ang mga bagay na iyon, yun ang tunay na “rainbow, flowers, at butterflies.”

     At sa pagdiriwang ng Araw ng mga Guro, hayaan ninyong pasalamatan ko kayo sa lahat ng mga bagay na naibahagi ninyo sa akin, at sa aming lahat na nabago ninyo ang buhay. Alam ko na napakarami na ninyong buhay na napabuti dahil sa walang pagod ninyong pagbabahagi ng inyong sarili. Isang sakripisyo ang pagiging guro. Hindi matatawaran ang dedikasyon ninyo sa inyong propesyon. IIlan lang ang matatawag na dakila sa mundong ito. At kasama kayo sa iilang iyon.

     Naalala ko tuloy ang sabi ng isang kong guro noong kolehiyo. Isa lang raw ang sasabihin niya kapag kaharap na niya Siya at tinanong siya kung ano ang nagawa niyang mabuti habang nabubuhay:

"Isa akong guro."

Maligayang Araw ng mga Guro! :)







kwento ng kaibigan kong mangingisda…

     Dahil may bagyo, di ako makapalaot. Wala din naman akong mahuhuling isda. Ilalagay ko lang sa peligro ang buhay ko. Kaya ang araw na ito, napakatagal para sa akin. Halos wala lang akong nagawa. Nakatingin lang sa malayo, habang binabayo ng malakas na hangin at ulan ang baryo namin.

     Kanina, umupo ako sa isang kubo na malapit sa dalampasigan. Pinapanood ko ang mga alon. Dinadama ko ang hangin sa bawat hampas nito sa aking balat. At inaalala ko siya. Di ko mapigilang alalahanin siya.

     Hindi ko na mapagkakaila sa sarili ko na importante siya sa akin. Na espesyal siya sa akin. At sa bawat pagkakataong naiisip ko siya, magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko. Saya dahil sa mga alaalang pinagsamahan namin. Lungkot dahil gusto kong ibalik ang mga alaalang iyon.

     Pero alam kong wala akong magagawa para sa bagay na iyon. Gaya sa mga panahong ito. Hindi ko magawang pumalaot kahit kailangan ko. Kailangan ko lang maghintay. Maghintay na dumating ang araw na makakasama ko siya. Pero kahit yung araw na iyon, hindi ko alam kung darating pa ba.

     Sa silong ng kubo na kinauupuan ko habang iniisip ko siya, isinulat ko ang pangalan niya sa buhangin. Pero kung gaano kabilis pumatak ang ulan, ganun din kabilis nawala ang pangalan niya sa buhangin. Malungkot ako nung mga panahon na iyon at tanging ang alaala lang niya ang nagpapasaya sa akin. Yun lang, masaya na ako. Siya lang, masaya na ako.

     Ngunit gaano man kalakas ang hampas ng hangin at bagyo, di na siya mawawaglit sa aking alaala. Siya na dahilan ng aking kasiyahan. Siya na pangarap kong makasama kinabukasan. Pangarap ko pa rin siya, kahit na ang buhay ay walang hanggang paghihintay.

     Handa akong maghintay para sa kanya. Handa akong maghintay para sa amin.







buti pa ang saging may puso…

     Napakasarap sa pakiramdam nung konsepto ng “pagmamahal.” Yung pakiramdam na nagmamahal at minamahal ka. Kaso, mukhang sa fairy tales lang ata nangyayari yung ganun.

     May mga pagkakataon na nalulungkot ang tao dahil sa pag-ibig. Dahil sa naging kumplikado na ang pag-ibig, ang magmahal, ang mahalin. Ang dami nang dapat isipin bago ka magmahal. Ang daming dapat isaalang-alang. Ang daming bawal. Ang daming mga dapat gawin. Para tuloy naging teknikal na lang ang konsepto ng “pagmamahal.”

     Hindi ba pwede na wala na lang isasaalang-alang? Na wala ka nang iisipin? Na wala nang mga dapat at hindi dapat gawin? Hindi ba pwede na tanggapin na lang ng lipunan kung sino ang gusto mo? Hindi ba pwede na kapag nagmahal, yun na yun?

     Dahil sa naging kumplikado na ang konsepto ng “pagmamahal,” ang iba, pinipili na lang na pigilin kung ano ang nararamdaman ng puso. Ikinukulong na lang ang sarili sa pag-iisa. Pero yung tunay na kaligayahan, mailap, ninanais nila. Kasi kahit alam nilang gusto nilang magmahal at napanghihinaan sila ng loob. Nauunahan sila ng takot.

     Pero, hindi kailanman naging mali ang pagmamahal. Kadalasan, ang tao ang nagkakamali.

     Sana hindi na lang nagpalabas ng fairy tales kung sa totoong buhay ay napakalayong mangyari ng mga kwentong yun. Edi wala na lang sanang umasa. Edi wala na lang sanang nasaktan.

     Gusto lang naman natin na magmahal. Yun lang naman yun eh.. :(